Thursday, March 10, 2011

Pagbaba sa 6% mula sa 12% VAT, aprubado na

Ipinahayag ni Batangas Rep Hermilando Mandanas kahapon na aprubado na ang House Committee on Ways and Means ang panukalang naglalayong ibaba sa 6% ang ipinapataw na value added tax (VAT) sa mga bilihin at serbisyo mula sa kasalukuyang 12%

Ayon kay Mandanas, nakatakda nang isama sa calendar of business ng plenaryo ng Kamara de Representantes ang kanilang inaprubahang panukala.

Sa sandaling ito ay maipasa na, maibaba na umano sa 6% and VAT sa mga produktong petrolyo, tubig at kahit pa sa kuryente ngunit sa kabila nito ay tinatayang P50 bilyon pa rin ang itataas ng gobyerno sa buwis dahil kasabay na aalisin ang tinatawag na input tax credit deductions ng mga kumpanya na itinuturing umanong devils' playground sa koleksiyon ng buwis.

Ipinaliwanag ni Mandanas na sa input tax credit deductions ay umaabot sa 12% hanggang 13% ng operation costs ng mga kumpanya ang naibabawas sa buwis at ditor in naipapasok ang mga pekeng invoices at bentahan ng tax credits.