Wednesday, March 16, 2011

Nalalabing iilang araw ng sesyon, dapat ituon sa mga importanteng panukala

Nagbabala si Cagayan Rep Jack Enrile sa mga kapwa kongresista sa pagsentro lamang ng mga ito sa impeachment case laban kay Ombudsman Merciditas Gutierrez sa kabila ng iba pang mga importanteng panukalang batas na dapat nilang aktuhan.

Sinabi ni Enrile na marami pang bagay na dapat pagkakaabalahan ang Kamara de Representantes at maraming ding mga problema pa ang dapat resolbahin sa mga nalalabing ilang araw bago mag-Semana Santa.

Binigyang diin ng kongresista na hindi pa man lamang napapag-usapan ang impact na bunsod ng malakas na lindol na tumama sa bansang Japan at seguradong tatama sa ekonomiya ng bansang Pilipinas.

Ni hindi man lamang umano pinag-uusapan sa Kamara kung paano hahanapin ang mga Filipino sa Japan na naapektuhan ng paglindol.

Hindi pa rin binabantayan, ani ni Enrile, ang retrieval operations sa Christchurch sa New Zealand at ang rescue ng mga Filipinos na inabot ng crossfire sa Libya.

Dapat aniya ay pinaghahandaan din ng Kamara kapag dumating sa scenario na umabot na sa US$200 kada bariles ang langis.

Dapat umanong harapin ng Kongreso ang mga nasabing isyu sa limang natitirang araw ng sesyon at hindi daw nila puwedeng sabihin sa kanilang mga constituent na diyan muna kayo at si Merci muna ang mahalaga sa kanila.

Ang Kongreso ay magri-recess umpisa sa March 25 hanggang May 8.