Itinanggi ngayon ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang mga pasaring na sinusuportahan umano niya si Ombudsman Merceditas Gutierrez sa kanyang laban hinggil sa kasong impeachment na pinag-uusapan sa Kamara de Representantes.
Bunsod ito sa lumabas na headline sa isang pahayagan na ang lider ng Kamara ay nasa likod umano ni Gutierrez na mariin naman niyang pinabulaanan sa pagsasabing ito ay isang malaking kasinungalingan.
Sinabi ni Belmonte na sumagot lamang daw siya sa isang tanong kung hihikayatin ba niya si Gutierrez na dumalo sa mga pagdinig sa Kamara bilang pagsunod sa proseso hinggil sa kasong impeachment, sa pamamagitan ng text, na sinagot naman niya na hindi at bahala na daw ito sa depensa niya.
Ayon kay Belomonte, ikinabigla niya ang lumabas na balita at ito ay taken completely out of context at wala umanong konkretong pahayag sa kabuuan ng balita na susuporta siya ayon sa isinasaad ng headline.
Hindi umano ito ibig sabihin na sumusuporta siya kay Gutierrez at ito ay simpleng nagsasabing hindi siya nag-aabugado o pumapayo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin.
Nauna rito, nagsumite si Gutierrez ng Motion for Reconsideration sa Korte Suprema sa desisyon na nagbibigay pahintulot sa Kamara na ipagpatuloy ang pagdinig sa kasong impeachment laban sa kanya.