Inaprubahan na ikatlo at pinal na pagbasa sa plenaryo ng Kamara de Representantes ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay karagdagang halaga ng salapi mula P10,000 at gagawing P20,000 na ang burial assistance para sa mga beterano.
Sinabi ni Bataan Rep Herminia Roman, chairperson ng House committee on veterans affairs and welfare at may akda ng HB00229 na malaking tulong umano ito para sa pamilya ng Filipino veterans.
Ayon sa kanya, hindi na umano sapat ang P10,000 burial assistance para sa namatay na beterano at sa kanyang pamilya para maibigay ang isang disenteng burol sa isang unipormadong sundalo bilang pagkilala sa kanyang kagitingan sa panahon ng digmaan at kapayapaan.
Sa ilalim ng panukala, ang P20,000 ay ibibigay sa taong tumulong gumastos sa lahat ng bayarin sa punerarya ng namatay na beterano bilang burial assistance sa sandaling maghain ng mga dokumento dalawang taon matapos namatay ang naturang beterano.