Thursday, March 10, 2011

Hindi pa rin nawala ang dangal at integridad ng AFP, Aumentado

Naniniwala si Bohol Rep Erico Aumentado na hindi nawala ang integridad at dangal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahit na nahaharap ito sa masusing pagmamasid ng publiko tungkol sa isyu ng korapsyon at iregularidad.

Sinabi ni Aumentado sa kanyang privilege speech na mayroon umano mga commands, divisions, brigades, battalions, companies, platoons, squads, men and women ang nagsisilbi sa kanilang bayan na mayroong dangal at karangalan.

Binanggit ni Aumentado ang National Development Support Command (NADESCOM) sa pamamahala ni Maj Gen Carlos Holganza na nagpatayo ng mga gusaling paaralan sa lalawigan ng Bohol.

Ayon sa kanya, nagpatayo daw ang NADESCOM ng apatnapung two-classroom school buildings na nagkakahalaga ng P780,000 bawat gusali at ang buong building ay pinturado na may 56-square meter classroom na may toilet, water, electricity, blackboard, steel trusses at heat insolator.

Idinagdag pa niya na nagbigay din ang NADESCOM ng 40 piraso ng armchair para sa mga estudyante ng bawat paaralan sa lalawigan at mga mesa at naman para sa mga guro.

Pinagmalaki ni Aumentado ang matibay na pakikipagtulungan ng Bohol civilian authorities, military at pulis, ang simbahan at civil society sa ilalim ng Team Bohol na siyang naging pangunahing susi para sa matagumpay na pakikibaka nito laban sa kahirapan at insurhensiya sa lalawigan.

Iginagagalak umano niyang malaman na idineklara ng Department of National Defense at ng Philippine National Police ang lalawigan ng Bohol bilang insurgency-free province noong ika-11 ng Pebrero noong nakaraang taon.