Thursday, March 10, 2011

Government take-over sa oil at gas fields na minamay-ari ng mga dayuhang kumpanya, iminungkahi

Iminungkahi ni Bayan Muna partylist Rep Teddy Casino na kailangan nang -take-over ng pamahalaan ang mga oil at gas fields sa bansa na pag-mamay-ari ng mga dayuhang kumpanya.

Sinabi ni Casino na hindi umano mapapakinabangan ito ng ating mga kababayan dahil ayaw i-develop ng mga kompanyang ito.

Noong taong 2006, ang bansang Pilipinas ay may oil reserve na 138 million barrels, hindi pa kasama ang 30-40 million barrels mula sa Malampaya oil fields, 10-20 million barrels mula sa Galoc oil fields na matatagpuan sa West Linapacan A and B na lahat ay sa lalawigan ng Palawan.

Mayroon din umanong 3.9 trillion cubic feet ng natural gas na nasa Malampaya at 260 million na tonelada ng coal, maliban pa sa unlimited supply ng bansa sa renewable energy gaya ng water, wind at solar energy.

Ibinigay na halimbawa ni Casino ang compressed natural gas o CNG na nasa Malampaya, ngunit hindi umano ipinagpaibayo ng Shell at Chevron ang supply nito sa Pilipinas dahil direkta itong makikipagkumpetensya sa supply na gasoline at diesel sa bansa mula sa kanilang mga mother companies sa ibayung dagat.