Iminungkahi ni Zamboanga City Rep Maria Isabelle Climaco na bigyan ng mahalagang papel ang mga kabataan sa pagpapatupad ng mga programa hinggil sa pagbabago ng klima.
Layunin ng panukala ni Climaco na maiangat ang kamalayan ng mga kabataan sa pagsusulong ng mga pamamaraan upang matugunan ang epekto climate change sa darating pang mga henerasyon.
Sinabi ni Climaco na ang sektor ng kabataan ang lubhang apektado ng pagbabago ng klima kaya’t nasa kanilang mga kamay ang tugon sa lumalalang suliranin ng kalikasan.
Mahalaga umano ang pakikilahok ng mga kabataan sa pagbalangkas at pagpapatupad ng mahahalagang programa sa pagbabago ng klima kaya’t inihain niya ang HB01711 na naglalayong amiyendahan ang RA09729 o Climate Change Act of 2009 upang ilahok ang mga kabataan sa Climate Change Commission, ang pangunahing ahensiya na namamahala sa mga programa upang matugunan ang problema.
Ayon sa kanya, batay sa prinsipyo ng 1992 Rio Declaration on Environment and Development, ang pagkamalikhain, paninindigan at katapangan ng mga kabataan ng daigdig ay dapat pag-ibayuhin at dapat silang magkaisa tungo sa isang pandaigdigang ugnayan upang makamit ang kaunlaran at matiyak ang magandang kinabukasan para sa lahat.