Friday, March 18, 2011

Contractualization law, bubuwagin na

Inaprubahan na sa committee level nga Kamara de Representantes ang pagbubuwag sa contractualization law sa bansa o pangongontrata sa mga manggagawa upang makaiwas sa mas malaking gastusin sa labor.

Matapos ang ilang pagdinig, inaprubahan na rin sa House committee on labor ang iba’t ibang panukalang batas na magbabawal na sa mga kumpanya at mga employer na ikontrata ang trabaho sa kanilang kumpanya.

Ihinahanda na ang committee report ukol dito para maipasa na sa committee on rules para pagdebatehan bago aprubahan sa ikalawa at ikatlong pagbasa.

Ang pangunahing may-akda sa panukalang ito na si DIWA party-list Rep Emmiline Aglipay ay nagsabi na malapit nang magkaroon ng job security sa bansa.

Sa ilalim ng inaprubahang panukala, ipagbabawal na ang kontraktuwalisasyon o sistema sa paggawa kung saan, hanggang anim na buwan lamang puwedeng magtrabaho ang isang manggagawa.

Karaniwan nangyayari ito sa mga department store kung saan ang mga sales lady ay nasa ilalim ng contractualization kaya pagkatapos ng kanilang anim na buwang kontrata ay awtomatikong tanggal ang mga ito sa kanilang trabaho.