Ipinasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang naglalayong parusahan ang mga motorista na nagmamaneho kahit na sila ay nasa ilalim ng impluwensiya ng alak o sa iligal na gamot.
Sinabi ni Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo na kung sa ibang bansa ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamaneho ng nakainom ng alak, kataka-katang naman daw dito sa Pilipinas na sa kabila ng mga pag-aaral na nagsasabing ikalawa sa sanhi ng pagkamatay ng bawat Pilipino ay ang aksidente sa kalsada at na dulot ng pagmamaneho na lasing, nananatili pa rin uamnong maluwag at ipinagwawalang bahala ang bagay na ito.
Ayon kay Arroyo, may akda ng panukala, hindi dapat na ang mga aksidente sa daan ay lagi na lamang itinuturing bilang resulta ng reckless imprudence, dapat ay ituring itong isang iresponsableng gawa lalo na kung ang sangkot ay isang lasing.
Kikilalanin ang panukalang ito bilang Driving Under the Influence of Alcohol, Dangerous Drugs and Similar Substances Act,” at ang panukalang ito ay magpapataw ng administrative sanctions at multa sa sinumang lalabag dito.
Nahaharap sa parusang isang taong pagkakakulong, multang di bababa sa P20,000 at pagsuspende ng lisensiya sa pagmamaneho ang sinumang mapapatunayang nagkasala at lumabag sa batas na ito.