Wednesday, March 16, 2011

AFP chief of staff, 3 taon na lamang ang termino

Inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng tatlong taon na lamang na termino sa bawat Chief of Staff (COS) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Batay sa HB00006, ang panunungkulan AFPCOS ay magsisimula sa araw na itinalaga ito ng Pangulo ng Pilipinas at hindi kung kailan siya kinumprima ng Commission on Appointment.

Sinabi ni Muntinlupa Rep Rodolfo Biazon na layunin ng kanyang panukala na mabigyan ng seguridad ang bawat maitatalagang AFPCOS na matatapos ang bawat programang nasimulan nito na walang dapat isaalang-alang o pangilagan.

Idinagdag pa ni Biazon, chairman ng House committee on national defense, na maging sa pagpili ng itatalagang AFPCOS ay maliligtas na rin sa pamumulitika at ang kakayahan, kagalingan at kaalaman sa posisyon na lamang ang pagbabatayan.

Nakasaad sa panukala ni Biazon na ipagbabawal na ang pagtatalaga ng COS kung ang nabanggit na opisyal ay mayroon na lamang isang taon sa serbisyo at hindi rin maaring palawigin ang kanyang terminong tatlong taon, maliban na lamang kung may giyerang nagaganap o di kaya ay idineklara ng Kongreso.

Kung ang naitalagang COS at abutan ng pagreretiro, mangingibabaw ang isasabatas na tatlong taong termino kung saan kailangang tapusin ang tatlong taon bago magretiro ang ito.

Ngunit nilinaw din sa panukala na bilang Commander-in-Chief, may karapatan ang Pangulo na tanggalin sa kanyang puwesto ang naitalagang COS kung nawalan na ito ng tiwala sa kanya.

Ang HB00006 ay nag-aantabay na lamang na ipasa rin sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado bago ito maging ganap na batas.