Ipinahayag kahapon ni House Speaker Feliciano Belmonte na ang boto na 212 ng mga kongresista sa HR01089 upang ma-impeach si Ombudsman Merceditas Gutierrez ay isang pagpapakita lamang ng vote of confidence ng Kamara de Representantes kay Pangulong Benigno PNoy Aquino.
Ayon kay Belmonte, sa overwhelming majority ng Mababang Kapulungan sa impeachment ng Ombudsman, ipinakita lamang na malaki pa rin ang suporta ng mga kongresista kay Pangulong Aquino
Ngunit mabilis namang ipinalagay ng Speaker na ang solidong boto ng nabanggit na bilang ng mga mambabatas kahapon ng madaling araw laban kay Mercy ay assurance na rin ng kanyang kapangyarihan bilang lider ng Mababang Kapulungan.
Nanindigan aniya ang mga kongresista dahil alam ng mga ito na binabantayan ng taumbayan ang kanilang mga boto sa Gutierrez impeachment.
Kasabay nito, sinabi ni Belmonte na maaari nilang iakyat sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Gutierrez kahit naka-recess ang sesyon ng Kongreso para sa Holy Week.
Hindi naman aniya kailangang in-session ang Kongreso para sa transmittal nito kaya ipina-ubaya na lamang niya kay House Secretary General Marilyn Yap ang pagpapadala sa Senado ng Articles of Impeachment.
Idinagdag pa niya na sa pagbabalik na rin lamang ng sesyon sa Mayo kukompletuhin ng Kamara ang mga prosecutor sa Gutierrez impeachment.