Sunday, March 20, 2011

15 milyon pamilya sa buong bansa, di nagkaroon ng mailinis na tubig

Tinatayang humigit-kumulang sa 15 milyong kabahayan at pamilya sa buong bansa ang walang nakakarating na malinis na patubig at 273 munisipalidad naman ang nananatiling walang sistema ng patubig.

Sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte na batay sa ulat na isinumite ng Department of Interior and Local Government (DILG), tumaas ang bilang ng mga walang patubig mula sa dating 189 noong 2003 at umabot na sa 273 nitong 2009.

Ayon kay Speaker Belmonte, lumitaw din sa pag-aaral ng DILG na kung mayroon mang mahigit sa 80% na pamilya ang mayroong malinis na inuming tubig at malinis na pasilidad ng palikuran, mahigit naman sa 15 milyong pamilya ang di nagkakaroon ng malinis na tubig at walang maayos at malinis na palikuran.

Dagdag pa ni Belmonte, ang problemang ito ay hindi lamang mga mahihirap na pamilya ang nakakaranas kundi maging mga pamilya na naninirahan sa mga itinuturing na maunlad na lugar tulad ng National Capital Region, Central Luzon, Southern Tagalog at Central Visayas.

Hinahalimbawa ng Speaker ang Metro Manila na umaasa ang karamihan dito sa tubig na nanggagaling sa Angat Dam para sa suplay ng tubig kung saan 97% ng tubig ay dito nanggagaling at isinusuplay sa 12 Milyong mamamayan sa lungsod.

Nitong nakaraang taon, sinabi daw ng mga eksperto na mayroong kakulangang di bababa sa 500 milliliters ang suplay ng tubig kada araw at inaasahan pang mas lalong lalaki at aabot hanggang sa 2,000 milliliters ang magiging kakulangan ng suplay ng tubig sa darating na taong 2015.

Upang matugunan ang darating na problemang ito, sinabi ni Belmonte na napagkasunduan sa nakaraang National Executive-Legislative Dialogue hinggil sa Water Supply and Sanitation workshop na isasama sa mga priority bills ang mga panukalang tungkol sa patubig tulad ng pagtatatag ng Water Regulatory Commission na siyang mamamahala sa usaping patubig ng buong bansa.

Ayon pa kay Belmonte, sa kasalukuyan, ayon na rin sa kontratang pinasok ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), nagsisilbi lamang na mga developer at regulator ang MWSS sa dalawang concessionaires nito, ang Manila Water Company at ang Maynilad Water Services.