Nagbabala si Marikina Rep Marcelino Teodoro sa panganib ng epekto na dulot ng polusyon sa ingay kapag hindi agad na umaksyon ang pamahalaan.
Dahil dito, inihain ni Teodoro ang HB01839 o Anti-Pollution Act of 2010 na naglalayong magpatupad ng regulasyon sa ingay at iangat ang kamalayan ng mga mamamayan sa panganib na dulot nito sa kalusugan.
Sinabi ni Teodoro na nakakalungkot daw na walang umiiral na batas para matugunan ang polusyon sa ingay na karaniwang hindi pinapansin.
Ayon sa kanya, batay sa pag-aaral ng World Health Organization, ang sobrang ingay ay labis umanong nakakaapekto sa kalusugan ng isang tao na abala sa kanyang araw-araw na gawain tulad ng pag-aaral, trabaho, gawaing bahay, at maging sa pamamasyal, at nakakagambala sa pagtulog, nakapagdudulot ng sakit sa puso, pag-iisip, nakakapagbawas ng lakas, gayun na rin sa pagbabago ng asal tulad ng pagkabugnot.
Bagamat may ilang umiiral na regulasyon hinggil sa pangangalaga sa mamamayan laban sa ingay tulad ng Sec 85 ng PD No 856 o ang Code on Sanitation noong administrasyon pa ni Marcos, ang mga lungsod tulad ng Puerto Princesa sa Palawan at San Juan sa Metro Manila ay nagpairal ng ordinansa na nagsusulong upang labanan ang polusyon dulot ng ingay.
Iilang mga panukala ang inihain noong nakaraang 14th Congress nguni’t hindi ito naisabatas hanggang sa nagtapos na ang sesyon ng Kamara noong Hunyo dahil hindi ito tinatratong problema o dahil sa walang pakialam ang ilan nating kababayan kaya’t nabale-wala lang ang pagbabawal sa sobrang ingay.