Tuesday, February 22, 2011

Panibagong mungkahi hinggil sa legal separation, inihain

Iminungkahi ni Occidental Rep Amelita Calimbas-Villarosa na amiyendahan ang Family Code upang makapaghain ng mas marami pang legal na paraan ang mga mag-asawang naghahangad na maghiwalay sanhi ng mga problema sa kanilang pagsasama.

Sa HB02144 na inakda ni Calimbas-Villarosa, aamiyendahan nito ang Section 55 ng Executive Order No. 209 o ang Familay Code of the Philippines dahil ayon sa kanya, karaniwang umanong dinadahilan ng mga mag-asawa ang 'di pagkakasundo’ o irreconcilable incompatibility sa paghahangad nilang maghiwalay matapos silang magsama ng matagal.

Ngunit hindi daw ito sapat na dahilan sapagkat nakakalimutan na lamang umano ng mga ito ang kasagraduhan ng kasal hanggang pati ang kanilang mga anak ay maapektuhan sa kanilang paghihiwalay.

Ayon sa mambabatas, maaaring maghain ng mas mabigat na kadahilanan ang babae para sa legal na paghihiwalay tulad ng pagkakasakit ng sexually transmissible disease ng lalaki o pagbabanta sa buhay ng nagrereklamo at magulang, kapatid at mga anak nito.

Maaari din umanong idahilan ang pagtanggi ng lalaki na suportahan ang asawa at mga anak at ang pagtanggi ng lalaki na maghanap ng disenteng trabaho at kabuhayan para sa pagtataguyod ng maayos na pamilya at bukod pa rito ay maaari ding idahilan ang pagkagumon sa sugal at pagiging bakla ng lalaki.

Naniniwala si Calimbas-Villarosa na ang mga nabanggit na dahilan ay mas realistic at more responsive upang maihain ang legal separation.