Ipagbabawal na ang commercial logging sa buong bansa sa loob ng labindalawang taon umpisa sa pagkakapasa ng panukala na inihain ngayon sa Kamara de Representantes.
Alinsunod sa naging pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III, naghain si Laguna Rep Danilo Ramon Fernandez ng HB02176 na may layuning ganap na magpapatupad ng pagbabawal ng pagto-troso o papuputol ng mga punong-kahot upang gamiting pang-komersiyal na layunin.
Sinabi ni Fernanadez na bagamat marami nang mga batas na ipinasa hinggil sa forest conservation, patuloy pa ring nagiging banta sa mga buhay at ari-arian ng mga mamamayan dahil sa walang habas, irisponsable, di mapigilan at mapaminsalang aktibidades ng pang-komersiyal na pagto-troso.
Ayon sa kanya, mayroon na talagang pangangailangang magpasa ng isang batas na tunay na tutugon sa bumababang estado ng ating kagubatan at maisalba nag mga mamamayan sa masamang epekto ng global warming na dulot ng pagkakalbo ng ating kagubatan.
Kaakibat sa panukalang ito ay ang mabigat na kaparusahang ipapataw sa sinumang lalabag na tao o kumpanya sa batas na ito.