Wednesday, February 23, 2011

Pagbabago sa hanay ng kapulisan, iminungkahi

Kumilos na ngayon ang Kamara upang gawing mahusay ang pagkuha, pagpili pati na ang pagtaas ng rangko sa Philippine National Police (PNP) upang matiyak na ito ay magiging kagalang-galang, mapagkakatiwalaan at higit sa lahat, maipanumbalik ang tiwala ng taumbayan sa institusyon.

Inihain ni Zamboanga del Sur Rep Aurora Enerio-Cerilles ang HB01996 upang baguhin ang pagkuha at proseso ng pagpili sa PNP at amiyendahan ang RA08551 o ang Philippine National Police Reform and Reorganization Act of 1998.

Nanawagan si Cerilles sa liderato ng Kamara para pagtibayin ang panukala sa lalong madaling panahon bunsod ng napabalitang talamak na dayaan sa entrance examination at promotional tests sa pulisya.

Nakapandaya umano ang mga hindi kuwalipikadong aspirante na makapasok sa PNP, ayon sa balita.

Ito ay nakakalungkot, ayon kay Cerilles, dahil kung sino pa ang inaakalang magpo-protekta sa ating kaligtasan ay iyon pa ang gumawa ng pandaraya para lamang makapasok sa PNP.

Para matiyak na sumunod ang isang aspirante sa lahat ng reglamento sa kalusugan ng katawan at pag-iisip, pati na ang hindi paggamit ng mga ipinababawal na gamut, nakasaad sa panukala na pamamahalaan ng NAPOLCOM sa pamamagitan ng accredited government hospitals ang regular na psychiatric, psychological drug and physical tests na walang pinipiling araw at oras at walang babala.