Monday, February 14, 2011

Monopolya sa negosyo, dapat mawasata na

Bagamat iginagarantiya ng Saligang batas ang maprotektahan ang balanseng kompetisyon sa pamilihan, hindi pa rin ito sapat para mawala ang monopolya ng mga malalaking negosyante.

Layunin ng panukala nina Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo, ang HB01583 na gawing kasong kriminal ang lahat ng uri ng pakikipag-sabwatan na sisira sa malayang kompetisyon sa pamilihan.

Binatikos nina Arroyo ang patuloy na paghahari ng monopolya at kartel sa pamilihang bayan ng kanilang sinabi na mahabang panahon na rin umano ang sakripisyo ng mga maliliit na tindero at halos nagmamaka-awa sila sa malalaking kompanya dahil kulang sa regulasyon at proteksyon  ang sistema.

Nakasaad daw sa batas na kailangang itaguyod at palakasin ang malayang kompetisyon sa kalakalan, industriya at lahat ng komersiyo sa ekonomiya at pigilan ang pananatili sa kapangyarihan ng iilang indibiduwal na nagbabantang kumontrol sa produksyon ng kalakal.

Umaasa sina Arroyo na maisasabatas ang kanilang panukala para mapatawan ng mabigat na kaparusahan ang mga nasa likod ng monopolya at unfair trade practices ng mga walang-konsiyensang kompanya.