Alinsunod sa naging pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III, hinimok ngayon sa Mababang Kapulungan na ideklara ang carnapping bilang isang krimeng hindi mapi-piyansahan o non-bailable crime na may kaakibat na hindi bababa sa apatnapung taong pagka-bilanggo.
Sa pamumuno ni Camarines Sur Rep Salvio Fortuno, may-akda ng HB04003, kinondina ng mga mambabatas ang di-napigilang mga insendente ng carnapping kamakailan lamang na nagresulta ng pamamaslang ng may tatlong katao.
Sinabi ni Fortuno at ni Malabon Rep Josephine Veronique Lacson-Noel na patuloy pa rin umanong mamamayagpag ang carnapping bilang isang backyard na negosyo kung hindi tutugon ang gobyerno sa paglutas ng problema.
Layunin ng nabanggit na panukala, kahalintulad ng HB04033 ni Lacson-Noel, na patawan ng kaparusahang reclusion perpetua o pagkakakulong ng hindi bababa sa apatnapung taon kung saan hindi papayagang ma-pardon ang salarin hanggang hindi lalagpas sa tatlumpong taong nakapiit ito.
Samantala, may tatlo pang kahalintulad na mga panukala sa Kamara na kasalukuyang nakabinbin sa committee on justice: ang HB04043 ni Sorsogon Rep Salvador Escudero III, ang HB03996 nina Buhay party-list Reps Irwin Tieng at Mariano Michael Velarde at ang HB01400 nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodrigguez at Abante Mindanao Rep Maximo Rodriguez.