Sunday, February 06, 2011

Biktima ng AIDS sa bansa, patuloy na dumarami

Nagpahayag ng pagka-bahala si Cavite Rep Lani Mercado-Revilla sa ulat na mahigit na 10,000 mga Filipino na ang positibong may Acute Immunity Deficiency Syndrome (AIDS) at patuloy pang dumarami.

Sinabi ni Revilla na batay umano sa mga datos mula sa mga tanggapan ng pangkalusugan, umabot sa 8,300 ang bilang ng may HIV/AIDS sa bansa noong 2007 at sa bilang na ito ay 2,200 ang kababaihan na nag-iedad 15 taong gulang pataas at may 1,305 na kaso ng HIV-positive naman ang napaulat noong 2010.

Ang bilang ng biktima ng HIV sa buong daigdig ay umabot sa 33.3 milyon mula sa 8 milyon, simula 1990 hanggang 2009 at sa bilang na ito, 15.9 milyon ang kababaihan at 2.5 milyon ang kabataan at ang mga pinakaapektadong bansa ay mula sa rehiyon ng Sub-Saharan Africa na may 22.5 milyong biktima ng AIDS, at pumangalawa ang rehiyon ng Southeast Asia na may 4.1 milyong biktima ng AIDS.

Ayon sa mambabatas maaari umanong mas mataas pa ang bilang ng mga AIDS carriers sa bansa kumpara sa nasa datos dahil maraming may ganitong karamdaman ang patuloy na inililihim ang kanilang kalagayan upang magtago sa kahihiyan at takot na sila ay yurakan ng kanilang komunidad.

Panahon na umano para kumilos ang pamahalaan upang hindi na umabot pa sa epidimiya ang bilang na naitala.

Idinagdag pa ng mambabatas na dapat daw na tiyakin na ang bawat biktima ng ganitong karamdaman sa bansa ay magkaroon ng pagkakataon na malunasan sa pamamagitan ng anti-retroviral therapy.