Wednesday, January 12, 2011

Retirement program para sa mga OFW

Inihain ni Alagad Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang isang panukalang maghahatid ng tuloy-tuloy na pangkabuhayan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sakaling magdesisyon na sila na magbitiw sa trabaho o magretiro.

Sinabi ni Marcoleta na layunin ng kanyang panukala na magtatag ng isang sistema sa pagreretiro upang ang mga manggagawa ay makapag-impok mula sa bahagi ng kanilang mga kinikita para mapaghandaan ang kanilang pagtanda, pagkakasakit o pagkasawi.

Sa ilalim ng HB01334, itatatag ang Overseas Filipino Workers Social Security and Retirement System na siyang mangangasiwa sa pagdodokumento sa lahat ng OFWs na nakarehistro sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at layunin nito na pangasiwaan ang mga benepisyo, puhunan sa negosyo at ayuda sa mga OFWs at kanilang mga kaanak. Itatatag din ang isang trust fund na lalagakan ng kanilang mga kontribusyon.

Ayon sa kanya, kapag ang isang manggagawang rehistrado ay natanggal sa trabaho ay tsaka lamang mahihinto ang kanyang kontribusyon sa panahon ng kanyang pagkakatanggal at kanyang matatanggap ang lahat ng benepisyo sa ilalim ng batas na ito.

Ang isang miyembro na umabot sa 120 buwanang kontribusyon bago siya nagretiro at yaong umabot sa edad na 45 taong gulang ay makatatanggap ng buwanang pension at kung sakaling nasawi ang retiradong OFW pensioner, ang kanyang mga benepisaryo sa panahon ng kanyang pagreretiro ay makatatanggap ng 80 porsyento ng kanyang buwanang pensyon batay sa isinasaad sa panukala.