Isinusulong ngayon ni Cebu City Rep Rachel Marguerite Del Mar ang panukalang mag-aatas sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na isailalim ang gastusin ng mga ito sa sapilitang pagsusuri o pre-audit examinations bago gamitin at gastusin ang mga pondo ng gobyerno.
Layunin ng HB00372 na suriin ang mga proyektong pang-imprastraktura, pagbili ng mga kagamitan ng pamahalaan, kasama na ang mga serbisyong binabayaran ng gobyerno tulad ng mga consultants.
Sinabi ni Del Mar na sa paraang ito ay mapoprotektahan ang gastusin ng pamahalaan mula sa pondong nanggagaling sa kabang-bayan bukod pa sa matitipid at mababantayan din ang mga iligal na paggasta sa panahong ito na nangangailangan ang ating gobyerno ng kinakailangang pondo.
Ayon sa mambabatas, ang pre-audit ay maaaring makapagtatag ng isa pang antas ng pagsusuri na magreresulta sa pagkabalam ng pagpapairal ng mga minamadaling proyekto ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, aatasan ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng masusi at kumpletong pre- audit examination sa lahat ng gastusin ng pamahalaan, kasama na ang pagpapaupa ng mga ari-arian ng lahat ng ahensya.
Kasama rin dito ang mga government owned and controlled corporations (GOCCs), financial institutions, state universities and colleges at ang mga lokal na pamahalaan ngunit hindi kasama sa panukala ang mga ahensya ng hudikatura at yaong mga ginawaran ng fiscal autonomy.