Monday, January 24, 2011

Pangangalaga ng mga personal na impormasyon at datos, sinusulong

Sinusuportahan ng National Statistics Office (NSO) at ng Government Service Insurance System (GSIS) ang dalawang panukalang isinumite sa Kamara na naglalayong mapangalagaan ang mga datos o data privacy lalu na yaong nasa pangangalaga nila.

Sinangayunan ng NSO, ang pangunahing ahensya na nangangalaga ng mga dokumento at datos, ang nilalaman ng HB00890 at HB01554 na naglalayong pangalagaan ang pananatiling lihim ng mga datos.

Sinabi ni NSO Administrator at Civil Registrar General Carmelita Ericta na naninindigan ang NSO sa pangungolekta lamang at pagmamantine, paggamit at paghahatid ng mga impormsayon sa mga mamamayan at negosyo sa wastong pamamaraan at pagtitiyak na ang mga ito ay nagagamit ng naaayon sa pangangailangan.

Sumusuporta rin si GSIS President Robert Vergara sa panukala dahil matutugunan umano nito ang pananatiling lihim ng mga impormasyon at datos para sa mga kliyente ng business process outsourcing (BPO), subali’t kailangan daw na isaayos ng kanilang tanggapan ang umiiral na proseso sa pagsang-ayon ng may 1.37 milyong aktibong miyembro nito para mabuksan at maproseso ang kanilang mga personal na impormasyon.

Ipinaliwanag naman ni Tarlac Rep Susan Yap na ang HB00890 na kilalanin ding Data Protection Act ay naglalayong magtatag ng patas na pangongolekta, pagmamantine, paggamit at paghahatid ng mga impormsayon at datos ng bawa’t mamamayan at dito paparusahan ang sinumang gumagamit o nagpo-proseso nito sa iligal na paraan at walang pahintulot.

Naniniwala naman si Pasig City Rep Roman T. Romulo, may-akda ng HB01554 o Data Privacy Act, na ang pagpasa sa panukala ay magbibigay-daan upang ang bansa ay makasabay sa kumpetisyon sa pandaigdigang ekonomiya, magsilbing ugnayan ng mga BPO at magsusulong ng pagtitiwala mula sa mga gumagamit ng electronic commerce.