Nababahala si Marikina Rep Marcelino Teodoro sa mga napapaulat na aksidente sa mga karnabal o amusement parks na nagreresulta sa malubhang pagkasugat o pagkamatay ng ilang bata na sumasakay sa mga palaruan.
Sinabi ni Teodoro na dapat na umanong umaksiyon ang pamahalaan para sa kaligtasan ng mga kabataan na nabibiktima ng mga aksidente dahil sa kapabayaan o kakulangan ng pag-iingat mula sa mga namamahala ng karnabal.
Sa kanyang inihaing HB01549, nais niyang maitatag ang isang ahensya na titiyak sa kaligtasan ng lahat ng mga palaruan sa karnaba sa buong bansa. Itatatag nito ang Amusement Parks Safety Board na gagawaran ng kapangyarihan na magpahintulot at mangasiwa ng mga theme parks, amusement parks, carnivals at iba pang kahalintulad na establisimyento na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na ng mga kabataan.
Bukod sa permiso ng lokal na pamahalaan upang makapagtatag ng ganitong negosyo ay kakailanganin na rin na kumuha ng permiso sa APSB ang lahat ng bago at dati nang amusement parks, maliit man o permanente na nakatayo.
Babantayan ng naturang Board ang kahandaan ng isang amusement park na pagbabasehan ng permisong igagawad dito at ikukunsulta rin ito sa mga dalubhasang enghiniyero na sumusuri at nagpapaunlad sa kaligtasan ng mga palaruan sa buoang bansa.