Monday, January 24, 2011

Pagkabigo ng mga radyo sa pagsusulong ng OPM, pinaiimbestigahan

Pinaiimbestigahan nina Cagayan de Oro City Rep Rufus B. Rodriguez at Abante Mindanao Rep Maximo B. Rodriguez sa House Committee on Information and Communications Technology ang hindi pagsunod ng ilang estasyon ng radyo sa Executive Order 255 na nagsusulong nga mga orihinal na Pilipinong awitin (OPM).

Sa kanilang inihaing HR00247, ibinunyag ng mga mambabatas ang paglabag ng mga himpilan ng radyo sa EO 255 na naglalagay sa lokal na industriya ng musika sa alanganin, kumpara sa mga dayuhang awitin at kultura.

Ayon sa mga mambabatas, maging si Pangulong Benigno C. Aquino III ay nakapansin sa paglabag na ito ng mga istasyon ng radioat ang OPM ay mga awiting komposisyon ng mga Pilipino, na iniakda at nilikha sa wikang Pilipino, Inggles at iba pang uri ng lokal o dayuhang wika.

Ipinatatawag ng mga mambabatas sa Kamara ang National Telecommunications Commission, mga samahan ng istasyon ng radyo at telebisyon, at ang Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit (OPM) upang pagpaliwanagin sa nasabing isyu.

Ang EO 255 ay ipinatupad noong ika-25 ng Hulyo, 1987 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino, na nag-uutos sa lahat ng istasyon ng radyo na magpatugtog ng hindi bababa sa apat na orihinal na musikang Pilipino kada oras.

Sa ilalim ng kautusan, ang sinumang hindi susunod sa mga probisyon ng EO 255 ay pagmumultahin ng P100 sa bawa’t paglabag. Bukod dito, kapag napatunayan ng NTC sa pagdinig ang bigat ng paglabag ay maaari nitong isuspindi o tuluyang ikansela ang Certificate of Registration o permiso upang makapagsahimpapawid ang isang istasyon ng radyo.