Mariing tinututulan ng ilang mambabatas ang panukalang ibenta ang mga kampo ng Crame at Aguinaldo para gamitin sa komersiyal na layunin.
Nakatakda na ring magsumite si Batangas Rep Hermilando Mandanas, chairman ng House Committee on Ways and Means, ng panukalang naglalayong ideklara ang dalawang kampo bilang mga historical sites.
Sinabi ni Mandanas na ang mga kampo militar na ito ay simbolo ng kagitingan ng mga Pilipino at ng pag-ibig ng bawat Pilipino sa kalayaan at ito ang ipinakita ng mga mamamayan noong magkaroon ng EDSA revolution.
Samantala, ilang mambabatas naman ang pabor na ibenta ang mga pag-aaring ito ng pamahalaan na iminungkahi ni Finance Secretary Cesar Purisima nang sinabi nito na layon ng panukalang ito na mapondohan ang ilang proyekto at programa ng pamahalaan at ang pondo ay magmumula sa pagbebentahan ng dalawang kampong nabanggit.
Ayon naman kay Isabela Rep Rodolfo Albano, pabor siyang maibenta ang dalawang kampong ito ng militar lalo na kung makakatulong ito sa pagpapadali sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police.
Dagdag pa ni Albano, makakatulong ng malaki ang mapagbibentahan ng dalawang kampong ito upang mapondohan ng mga proyektong pang-inprastraktura ng gobyerno, pagpapatayo ng mga gusaling pang paaralan, pabahay para sa mga mahihirap at iba pang mga proyekto ng gobyerno.
Ayon naman kay Kabataan party-list Rep Raymond Palatino, maaari rin umanong magamit ng pamahalaan ang lugar bilang mga freedom park dahil naging lugar naman ito sa bahagi ng EDSA upang maidaos ang dalawang pag-aaklas na tinawag na EDSA people power revolts.
Maaari din itong maging pabahay para sa mga kawani ng gobyerno, green parks o public parks, ayon pa kay Palatino.
Ayon kay Purisima ang dalawang kampong ito ang ilan sa mga ikinukunsidera ng pamahalaang Aquino na isapribado at ang iba pang pag-aari ng pamahalaan na pinaplano ring sumailalim sa pagsasapribado ay ang New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City, Iwahig Penal Colony sa Palawan, Davao Penal Colony sa Davao del Norte, at ang 40 ektaryang pag-aari ng Health Department sa Cebu.
Idinagdag pa ni Purisima na pumayag na ang Department of National Defense (DND) na mailipat ang dalawang kampo sa mas malaki at mas modernong lugar upang mas mapabuti at mapagtibay ng serbisyo ng mga kampong ito.