Mainit sa mata ng mga walang-konsiyensiya at criminal syndicate ang paggamit ng subscriber identity module (SIM) card sa kanilang iligal na gawain at walang ginagawa ang gobyerno para masugpo ito.
Dahil dito, kumilos ang magkapatid na kongresistang sina Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep Maximo Rodriguez para matugunan ang problema sa pamamagitan ng paghahain ng HB01650 na naglalayong aregluhin ang pagbebenta ng SIM card.
Ayon sa magkapatid na kongresista, layunin ng kanilang panukala na tiyaking mabibigyan nito ng seguridad ang mga gumagamit ng cellular o mobile phone at ang mga may-ari at subscriber nito at tiyakin ang wstong paggamit ng mga ito bilang isa sa mahusay na paraan ng telekomunikasyon para sa isang maunlad na ekonomiya.
Ipinaliwanag pa ng mga mambabatas na kahit saan, makakabili ang tao ng SIM card dahil ito ay nabibili lamang sa halagang P80.00.
Sa ilalim ng panukala, kailangang ipa-rehistro ang SIM card sa National Telecommunications Commission (NTC) ng lahat ng manufacturer, seller, distributor at may-ari ng cellular o mobile phones.
Pagmumultahin ng P500,000 at anim na buwang pagkakabilanggo ang sinumang lumabag dito at pagpapawalang-bisa at kanselasyon ng business permit ng kumpanya.