Monday, January 24, 2011

Mga salbaheng pulis, ikukulong

Kulang na nga sa kagamitan, korap pa at walang disiplina ang iilan sa mga kapulisan at ang maruming imahe ng Philippine National Police (PNP) ay ang naging sanhi ng hindi maalis-alis na pagpuna sa mga mata ng publiko.

Ito ang tinuran ni Antipolo Rep Romeo Acop, dating Heneral ng PNP, ng kanyang sinabi na kung ang pinuno nila ay korap, ano pa umano ang maasahan mula sa kanilang tauhan at ang pinuno ang nararapat daw at mainam na pagganyak at halimbawa para tularan ng kanilang mga tauhan.

Bilang solusyon sa negatibong pagpuna ng ibat-ibang sector ng lipunan, sinabi ni Acop na kailangan umanong repasuhin ang pagsanib at pagsasanay ng mga tauhan ng PNP at palakasin ang liderato nito mula sa pinakamataas na rangko.

Sinabi pa ni Acop na kailangan ding magtatag ng saing independent body katulad ng internal affairs department ng PNP na siyang uusig at magdesisyong ikulong ang mga scalawag na pulis upang isalba ang organisasyon para hindi ito lalung malugmok sa mga kahihiyan.

Ayon pa sa kongresista, tinatayang aabot sa 2,000 kaso sa National Police Commission o NAPOLCOM laban sa mga erring policemen at ang bilang ng pulis na nahaharap sa administrative case ay nasa 1.5% mula sa 135,000 pulis sa buong bansa.

Ngunit kailangan pa ring tingnan, dagdag pa ni Acop, ang bigat ng kanilang kaso kung ito nga ay karumal-dumal na krimen man o kahiya-hiyang kasamaan man at nakaka-alarma na umano ito kung masyadong mabigat na ang maging kasalanan.