Monday, January 24, 2011

* Mga pangunahing problema ng bansa, bibigyang lunas ng Kongreso

Apat na problemang pagbabasehan at magiging sentro ng susunod na national legislative agenda ang kailangan upang magkaroon ng mas masiglang negosyo sa loob ng bansa na siyang magsusulong sa pag-unlad at sa kapakanan ng bawat mamamayan.

Ito ang ibinahagi ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr. sa nakaraang Wallace Business Forum Roundtable na isinagawa sa Marriott Hotel.

Sinabi ni Speaker Belmonte na determinado umano ang pamahalaan ng Pilipinas na kumilos upang matupad ang hangarin nito na magkaroon ng matatag na ekonomiya, gawan ng paraan ang problema sa hinggil sa narrow fiscal space, at magkaroon ng kakayahan upang mapanatili ang pagtaas ng kita ng pamahalaan at ang kakayahan nito sa paggasta.

Siniguro rin ni Belmonte sa mga dumalo sa forum ang pangako ng Mababang Kapulungan na iaangat nito ang mga polisiya hinggil sa kalagayang pang ekonomiya ng bansa upang masiguro ang pagkakaroon ng mas masiglang ekonomiya ng bansa at mas malawak na oportunidad para sa mamamayan higit sa lahat para sa mahihirap na mamamayan ng bansa.

Mariing sinabi ng Speaker na inaasahan naumano na makakabuo ng isang legislative agenda na pagmumulan ng susunod na pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na sesntro sa apat na pangunahing suliranin ng bansa tulad ng mga sumusunod:

Iniisa-isa niya at ayon sa kanya, ang una daw ang social inequality na madalas na nakikita sa pagkakaroon ng di pantay na pagkakaroon ng oportunidad at sapat na social safety nets;

Ikalawa, ang pagkakaroon ng pagkakataong lumaban at sumagot sa mga hinaharap na usapin na anhi na rin ng kakulangan sa mga pampublikong inprastraktura, mababangbilang ng mamamayang may kakayahan at kakulangan sa mas prodaktibong pagtatrabahuhan;

Pangatlo, kahinaan ng pamahalaan dahil sa umano’y laganap na kurapsiyon, mahinang koleksiyon ng buwis at di matatag na pamahalaan;

At ang pang-apat, di sigurado at mga di kinakailangang problema na kinakaharap ng mga nagnanais magsimula ng negosyo na posible naman sanang maiwasan kung magiging maayos ang lahat ng polisiya ipinatutupad hinggil sa ekonomiya. Kadalasan ang mga magkakahalintulad na polisiya ay pinagmumulan ng di pantay na gawain at pang aabuso upang makalamang sa ibang negosyante.