Thursday, January 27, 2011

Mga mamamahayag, mauuna sa botohan

Puwede nang bumoto ng mas maaga ang mga mamamahayag sa panahon ng halalan kapag naisabatas ang HB01510 ni Marikina City Rep Marcelino Teodoro na naglalayong gawaran ang mga Filipinong kagawad ng Media ng hanggang pitong araw bago ang takdang araw ng halalan para bumoto.

Sinabi ni Teodoro na malaki umanong bilang ng mga mamamahayag ang hindi nakakaboto tuwing halalan, karapatan ng isang mamamayan, dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Sa ilalim ng kanyang panukala, magsumite ang nais na makaboto na mga kuwalipikadong miyembro ng media ng kanilang pangalan sa Commission on Elections (Comelec) tatlumpung araw bago sumapit ang halalan sa kung saan sila nakarehistro para mabigyan sila ng pagkakataon na magayak bago sila tumungo at maging abala sa kanilang mga tungkulin.

Matatandaang nagsumite rin ng kahalintulad na panukala sina Bayan Muna Reps Teodoro CasiƱo at Neri Colmenares, Gabriela Reps Luzviminda Ilagan at Emerciana De Jesus, Anakpawis Rep Rafael Mariano, Kabataan Rep Raymond Palatino at ACT Teachers Rep Antonio Tinio noong ika-14 na Kongreso.

Sinabi naman ni Casino, isa sa mga naghain ng kahalintulad na panaukala, na napakahalaga daw ng tungkuling ginagampanan ng mga mamamahayag sa panahon ng halalan dahil nagsisilbi silang bantay, nagsisiwalat ng mga kaganapan, katiwalian at karahasan, at nag-uulat ng mga kalituhan at kaguluhan sa mga presinto.

Ayon sa kanya, naaprubahan na ang panukala sa ikatlong pagbasa sa Kamara noong nakaraang Kongreso, pero hindi naipasa ang pinal na bersyon nito, kaya’t umaasa sila na ito ay maisasabatas na sa ilalim ng kasalukuyang liderato.