Monday, January 10, 2011

Libreng serbisyo ng mga doktor, bibigyan ng insentibo

Maraming manggagamot ang nag-iisip umaalis ng bansa dahil nais nilang humanap ng mas masaganang buhay kaysa paglingkuran ang kanilang kababayan sa sariling bayan.

Dahil dito, naghain sina Buhay Party-list Reps Erwin Tieng at Mariano Michael Velarde na bigyan ng tax credit ang mga doktor na nagbibigay ng libreng serbisyo sa mga mahihirap na pasyente.

Sinabi ng dalawang mambabatas na sa ganitong paraan, lalong mahihikayat ang mga doktor na manatili sa bansa kung mabibigyan sila ng tax credit.

Ayon kina Tieng at Velarde, ang kanilang panukalang ang HB03588 ay naaayon sa deklarasyon ng estado na protektahan at itaguyod ang karapatan ng tao sa kalusugan, at ipaalam sa kanila ang kahalagahan ng kalusugan.

Ang iba umanong mga doktor sa bansa ay nag-aaral ng nursing courses para lamang mag-empleyo sa ibang bansa para kumita ng mas malaking salapi at ang masama dito, wika pa ni Tieng, na nagkukulang ang ating mga health workers at nababawasan din ang basic health services sa ating mga kababayan.

Ang Kagawaran ng Rentas Internas, sa pakikipagtulungan sa Department of Health at Philippine Medical Association ang magpo-proklama ng mga alituntunin sa pagpapatupad ng nasabing panukala kapag ito’y naging ganap na na batas.