Isinusulong ngayon ni TUCP Party-list Rep Raymond Democrito C. Mendoza ang HB01557 na naglalayong protektahan ang mga karapatan, kaseguruhan at katiyakan sa trabaho ng mga kawaning labis na apektado sa tuwing may pagbabago sa pamamahala tulad ng pagbebenta o pagbili ng kompanya at pagsasanib ng dalawa o higit pang negosyo.
Sinabi ni Mendoza na ang pag-unlad ng negosyo sanhi ng globalisasyon ay napapanahon at ang pagsasanib puwersa ng mga kompanya ay bahagi ng kumpetisyon sa negosyo na nakakaapekto sa mga empleyado at paminsa’y nalalabag ang karapatan ng mga kawani.
Ayon sa kanya, para maiwasan ang di-makatuwirang paglabag sa kaseguran ng trabaho ng mga kawani ay kailangang manatili ang mga pribilehiyong kanilang tinatanggap tulad ng sahod at karapatan sa seniority ng mga kawani na matagal nang naglilingkod kahit na magbago ang pamamahala ng kompanyang kanyang pinaglilingkuran.
Iginiit pa ni Mendoza na responsibilidad ng mga kompanyang mamamahala sa biniling negosyo na panatiliin ang karapatan ng mga kawani lalo na ang kanilang mga benepisyo, sahod, kaseguruhan sa trabaho at ang pagkilala sa kanilang inilaang panahon ng paglilingkod, bago nailipat ang pamamahala ng negosyo sa mga bagong may-ari ng kompanya.