Masidhi ang pagnanais ni Nueva Ecija Rep Rodolfo W. Antonino na maibalik sa Kongreso ang kapangyarihan upang pamahalaan ang pagpapalabas at pagpapalipat ng pondo ng gobyerno sa ilalim ng General Appropriations Act.
Dahil dito, inihain ng mambabatas ang HB00033 na naglalayong amiyendahan ang Presidential Decree 1177, na ipinatupad noong Batas-Militar na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo sa pamamahala ng gastusin ng gobyerno sa ilalim ng pambansang budget na ipinasa ng Kongreso.
Ayon kay Antonino, ang tungkulin ng sangay ng lehislatura sa pagbalangkas ng pondo ng pamahalaan ay pinahihina ng pagpapairal ng Presidential Decree 1177.
Sa ilalim ng kanyang panukala, ang tungkulin sa paghahanda, pagsasabatas, pagpapatupad at pagbusisi sa gastusin ng bayan mula sa pambansang budget ay dapat na maibalik sa Kongreso, at ang kapangyarihan ng Pangulo sa pagpapatigil o pagpapahinto ng gastusing ito ay aalisin sa kanyang poder .
Kasama sa probisyon ng panukala ang pag-aalis ng kapangyarihan sa Pangulo na magpapalipat-lipat ng pondo sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, programa o proyekto ng walang pahintulot mula sa mayoridad ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso, na magkahiwalay na pagbobotohan.
Ang Department of Budget and Management na nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ay tatanggalan ng kapangyarihan sa pagpapalabas ng kabuuang pondo, kung wala itong kasamang listahan na isinumite, inaprubahan at pinahintulutan ng Kongreso.
Higit sa lahat, ang pondong nalikom mula sa pagtitipid, batay sa probisyon ng GAA, ay maaaring gamitin ng pamahalaang nasyonal upang bayaran ang mga pagkakautang at mga bayarin nito, na aaprubahan at pahihintulutan ng Kongreso at magkahiwalay na pagbobotohan.