Isinusulong ngayon ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara, may akda ng HB00244 na may layuning magtatatag ng Philippine Center for Studies on Indigenous Cultural Communities sa Unibersidad ng Pilipinas bilang isang sentro ng pag-aaral hinggil sa cultural communities upang masiguro ang kapakanan at mapangalagaan ang pang-ekonomiyang kalagayan ng bawat indigenous community sa bansa.
Sinabi ni Angara na ang kasalukuyang Institute on Islamic Studies na nasa Unibersidad ng Pilipinas at ang Institute of Studies on Non-Islamic Cultural Communities ang siyang sasaklaw sa itatayong sentro.
Sa ilalim ng panukala, ang sentro ang siyang mag-oorganisa ng taunang pambansang kumperensiya hinggil sa indigenous cultural communities kung saan dapat ay may partisipasyon ang pamahalaan at ang pribadong sektor.
Sa gaganaping kumperensiya, mabubuo ang mga rekomendasyon hinggil sa polisiya at programang gagawin para sa mga indigenous cultural communities.