Pumasa na sa House committee on Revision of Laws ang panukalang nagdedeklara sa Chinese New Year bilang special non-working public holiday.
Sinabi ni Pangasinan Rep Marlyn Primicias Agabas, ang pinagsanib na panukalang batas, ang HB01072, HB00611 at HB02715 ay naglalayong kikilala sa makabuluhang ambag ng Filipino-Chinese community sa bansa at ang kanilang yaman sa kultura at tradisyon.
Ayon naman kay Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, dapat umano nating pahalagahan ang matagal na nating relasyon sa mga Chinese dahil karamihan sa kanila ay nanirahan na sa ating bansa.
Ang panukala ay tiyak na magpapalakas sa relasyon ng dalawang bansa, wika naman ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara, na ayon sa kanya, ang matagal na umanong relasyon sa mga intsik ay nagbunga sa ating bansa ng isang mayamang kultura.
Ayon naman kay Northern Samar Rep Emil Ong, bilang isang bansa umano na may 25 porsiyentong dugong intsik, marapat lamang na aprubahan na ang panukalang ito upang pasalamatan sila sa kanilang ambag sa ating pambansang kasaysayan.