Thursday, January 06, 2011

Batas hinggil sa puslit na mga produktong pang-agrikultura, paiigtingin

Susuportahan ng Department of Agriculture (DA) ang anumang hakbang sa agarang pagpasa ng mga panukala hinggil sa pagpapalakas ng batas laban sa pagpupuslit o smuggling ng mga produktong pang-agrikutura sa bansa batay sa isang liham ni DA Undersecretary for Policy and Planning Segfredo Serrano kay Batangas Rep Hermilando Mandanas, chairman committee on ways and means.

Sinabi ni Serrano na sinusuportahan ng DA ang pagkakaroon ng amiyenda sa kasalukuyang batas hinggil sa Tariff and Customs Code kung saan ay dapat umanong isama ang mga probisyon hinggil sa paglutas ng suliranin sa smuggling o pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura at ang pagbuo ng mekanismo na siyang sisiguro na ang mga produktong ipinapasok sa bansa ay dumaan sa mga pagsusuri at siguradong ito ay malinis at walang dalang sakit.

Ilan sa mga iniindorsong panukala ng DA ayon pa kay Serrano ay ang anti-smuggling bill na may kinalaman sa rice importation, ang panukala tungkol sa National Food Authority (NFA) kung saan nais ng DA na magkaroon electronically manifest and bill of lading na siyang magsisilbing paraan upang masusing mabantayan ang aktuwal na dami ng bigas na ipinapasok sa bansa ng mga otorisado at lisensiyadong rice importers.

Inirekomenda rin ng DA na hindi dapat mag-imbak ng mga produktong pang-agrikultura sa mga warehouse ng customs nang walang clearance mula sa kanila upang maiwasan ang pagpasok ng peste at sakit mula sa ibang bansa na dala ng mga produkto.

Hinggil naman sa pag-aabandona ng mga imported articles, inirerekomenda ng DA ang agarang pagtatapon dito at hindi ang nakagawian ng pagbebenta nito sa paraang pagsusubasta.

Sa kasalukuyan, dinidinig sa komite ang anim na panukalang batas hinggil sa pag-aamiyenda sa ilang probisyon sa Presidential Decree 1464 o mas kilala bilang Tariff and Customs Code of the Philippines.

Ito ay ang mga sumusunod: HB00046 na isinumite nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao partylist Rep Maximo Rodriguez; HB00114 ni camiguin Rep Pedro Romualdo; HB00171 ni Ilocos Sur Rep Eric Singson, Jr.; HB00572 ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara; HB01694 ni Quezon Reps Lorenzo Tanada III at Agap partylist Rep Nicanor Briones; at ang HB03055 ni Sorsogon Rep Salvador Escudero III.