Pinahayag ni House Deputy Speaker Ma. Isabelle Climaco na sinusuportahan ng mga mambabatas ang isang malusog na diskusyon at balitaktakan sa panukalang pag-aamiyenda sa 1987 Saligang Batasnang kanyang sinabi na ang pagtalakay o debate sa charter change ay isang proseso ng lehislatura.
Ayon kay Climaco, ang debate sa isyu ay bahagi ng proseso ng lehislatura at kailangang bigyang-halaga ang mga usaping tatalakayin ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) at pamumunuan ang mga ganitong balitaktakan ng House Committee on Constitutional Amendments at maglalahad ng mga mahahalagang bahagi ng diskusyon.
Sinabi naman ni Maguindanao Rep Simeon Datumanong, isa sa mga may-akda ng HJR0003, ang panukalang nananawagan ng isang constitutional convention, na maghahain ng mga amiyenda sa 1987 Constitution at sinusuportahan niya ang panukala lalo na ang mga probisyon sa ekonomiya at repormang pampulitika na magdadagdag ng representasyon sa Senado.
Ayon sa kanya, bagama’t isinaisantabi ng palasyo ang usapin sa chacha ay nanawagan siya na bigyang-daan ang mga benepisyong makukuha sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
Umaasa naman si Camiguin Rep Pedro Romualdo, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments noong ika-10 at 11 Kongreso, na pagbibigyan na ang deliberasyon ng chacha sa plenaryo.
Idinagdag pa niya na lahat umano ng ating pagnanais ay walang silbi kapag hindi nagpakita ang Pangulo ng political will upang suportahan ang chacha at nasa kanyang mga kamay ang pagbibigay ng pag-asa na matalakay ang mga benepisyo nito matapos ang napakaraming pagdinig na isinagawa na at nawa umano’y pagbigyang umusad ang usapin ngayon.
Nangangamba si Romualdo na ang ekonomiya ng bansa ay hahawakan pa rin ng mga negosyante na dati ng kumokontrol dito hangga’t hindi naaamyendahan ang Saligang Batas hinggil sa mga mahahalagang probisyon sa ekonomiya.