Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang panukalang naglalayong ipagbawal na ang paggamit ng telephoto lenses at hyperbolic microphones na nagagamit upang makapanakot at ginagamit na pang-komersiyal o paninda.
Inihain ngayon ni Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo at ng kanyang inang si Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo ang HB01472 na naglalayong mapanatili ang isinasaad ng Konstitusyon na nagbibigay ng proteksiyon sa kapayaan at katahimikan, buhay, kalayaan at kagamitan at ang pagsusulong ng pangkalahatang kabutihan ng lahat ng mamamayan na hatid ng demokrasya.
Sinabi ni Arroyo na isa sa mga nais bigyang proteksiyon ng panukalang ito ay ang karapatan ng bawat pamilya at ng bawat indibidwal na madalas ay nabibiktima ng mga mapagsamantalang photographer, videographer at audio recorder na pumapasok sa pribadong lugar tulad ng tahanan ng isang nais nilang pagsamantalahan at kunan ng mga litrato upang magamit sa pananakot at pagkita ng pera ng walang pahintulot ang kanilang kinukunan.
Ayon pa sa mag-inang Arroyo na higit na naging mas mapangahas ang mga gumagawa nito nang magkaroon ng mga makabagong teknolohiya tulad na may modernong sangkap na may visual o auditory enhancement devises, halimbawa na rito ang malalakas na telephoto lenses at hyperbolic microphones na nagagawang makapasok maging sa mga pribadong lugar ng hindi kinakailangan ang personal o malapitan ng mga gumagawa ng illegal na bagay.
Ipinaliwanag pa nila na dahil sa mga pagbabago at pag-unlad na ito, ang pananakot, pagpasok ng walang pahintulot sa mga pribadong buhay ng isang pamilya, maging ito man ay pribado o may pampublikong buhay at nagkaroon ng trahedya sa buhay, ay napakikialaman kahit wala silang pahintulot at naipapalabas sa media.