Nananawagan ngayon ang mga kababaihang mambabatas kay Pangulong Bengno Noynoy Aquino na sertipikahan ang panukala na magdedeklara sa petsang ika-25 ng Nobyembre kada taon bilang National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women.
Sinabi ni Bulacan Rep Linabelle Ruth Villarica na igigiit nila ang kanilang panawagan sa pangulo sa pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na ipatatawag ng MalacaƱang upang talakayin ang mga mahahalagang panukala na ilalatag sa ika-15 Kongreso.
Ang HB03427 na iniakda nina Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez, Abante Mindanao Partylist Rep Maximo B. Rodriguez, Jr., BH Partylist Rep Bernadette Herrera-Dy, Tarlac Rep Susan Yap-Sulit, Malabon City Rep Josephine Veronique Lacson-Noel, GABRIELA Partylist Luzviminda Ilagan at Rep Villarica, ay nakatakda nang aprubahan ng House Committee on Women and Gender Equality (CWGE).
Sinabi ni Rep Ilagan, chairperson ng CWGE, na sinusuportahan ng buong Kongreso ang kampanya para sa pambansang kamalayan sa gender equality at anti-violence against women na nangangailangan ng masusing pagrepaso at amiyenda sa umiiral na Anti-Rape Law at Anti-Sexual Harassment Law.
Isinulong ng Gabriela ang programang rage against rape na nagsusulong ng kampanya ng araw para sa pag-aalis ng karahasan at paglapastangan sa mga kababaihan at pagpapahayag ng pagtutol dito.
Nakababahala umano ang lumalaking bilang ng mga kababaihan, ayon pa kay Ilagan, na napipilitang magtrabaho sa gabi hanggang madaling araw sa mga opisina at pagawaan tulad ng Business Process Outsourcing Industry (BPOs) at call centers na lubhang mapanganib at kadalasan ay nakararanas sila ng pambabastos, panghahalay, panggagahasa, at iba pang uri ng karahasan kaya dapat lamang na magpatupad ng mga pamamaraan upang maalis ang kahirapan na siyang dahilan ng mga panganib na ito sa mga kababaihan at kabataan.
Iginiit naman ni Yap-Sulit ang isyu sa trafficking ng mga kababaihan na kasamang tinalakay sa Regional Ministers’ and Parliamentarians’Actions at Legislations on the Elimination of Violence against Women na isinagawa sa Yogyakarta, Indonesia.