Iminungkahi sa Kamara ang pagtatatag ng isang regulatory framework na siyang magtatakda ng panuntunan kung papaanong maisasaayos ang industriya ng liquified petrolium gas o LPG para maseguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga konsiyumer.
Sinabi ni Tarlac Rep Susan Yap, may akda ng HB01418, na layunin umano ng panukala na magtakda ng iisang panuntunan na susundin ng mga nasa kalakal ng LPG, auto-LPG, LPG containers at LPG cylinder industries upang maiwasan ang mga sakuna na kaakibat ng kalakal na ito kung ang mga nasa industriyang ito ay gumagamit ng sub-standard LPG products.
Sa ilalim ng panukala na mas kikilalanin bilang LPG Industry Regulation and Safety Act of 2010, aatasan ang Department of Energy (DOE) na siyang mangasiwa at magbantay sa industriya ng LPG at sa lahat ng mangangalakal na may kaugnayan dito kung ang mga ito ay sumusunod sa alituntunin at regulasyong pangkaligtasan na itatakda ng batas na ito.
Nakasaad din sa panukala na dapat ay mayroong sapat na dokumento at lisensiya ang alinmang LPG cylinder o container manufacturers, requalifiers, repairers at scrapping centers na magmumula sa Department of Trade and Iindustry bago pa man ito magsimula ng negosyo.
Mahaharap sa P5 milyong multa ang isang tao o di kaya’y P10 milyon kung ang sangkot ay isang korporasyon na magsisimula ng negosyong may kinalaman sa LPG ng walang sapat na dokumento at Standard Compliance Certificate na magmumula sa DOE.