Babalangkasin na sa plenaryo ang HB00909 ni Tarlac Rep Susan A. Yap at HB02134 ni Nueva Vizcaya Rep Carlos M. Padilla na naglalayong tapusin ang pamamayagpag ng mga huwad at nagpapanggap na professional interior designers sa bansa.
Ang pinagsanib na panukalang tatalakatin ay magpaparusa sa mga dayuhang indibidwal at korporasyon na iligal na nagtatrabaho sa bansa bilang mga consultant at nag-aalok ng serbisyong interior design na labis na nakakaapekto sa mga lokal na propesyunal at biktima ng pagnanakaw ng disenyo o intellectual property right sa kanilang mga dibuho at disenyo.
Sinabi ni Padilla na hindi na epektibo sa kasalukuyan ang umiiral na Philippine Interior Design Law o RA08534 kung saan ay sumusunod ang bansa sa polisiya na itinatagubilin sa General Agreement on Trade Services (GATS) at dapat na umanong repasuhin ang batas na ito upang mapangalagaan ang karapatan ng ating mga propesyunal at mapaunlad ang industriya ng interior design.
Sa ilalim naman ng panukala ni Yap, ang HB00909, paparusahan ang mga dayuhang kompanya at indibidwal na iligal na nag-aalok ng serbisyo sa interior design sa bansa.
Ang bagong tatag na Professional Regulatory Board of Interior Design ng Professional Regulation Commission (PRC) ang mangangasiwa at magpapatupad ng mga patakaran ng mga probisyon ng batas.