Thursday, December 09, 2010

Pagpapa-ibayo ng Millenium Development Goals (MDGs) ng bansa isinusulong

Pinag-iibayo ng Kongreso ang pagsusulong na mabawasan ang utang ng bansa upang makamit ang layunin ng Philippine millennium development goals (MDGs) matapos na aprubahan ng House Special Committee on Millennium Development Goals na pinamumunuan ni Ilocos Norte Rep Imelda Marcos ang panukala na magtatatag sa pinagsanib na legislative executive council on debt to MDG swap.

Ang joint legislative executive council ay kabibilangan ng 3 kinatawan mula sa Senado, 3 kinatawan mula sa Mababang Kapulungan at 5 naman sa ehekutibo.

Inilarawan ni Minority Leader at Albay Rep Edcel Lagman na panalo ang solusyon ng mga nagpapautang na bansa na bayaran ng bansang may utang ng halagang katumbas ng kaunlaran at kalusugan na naaayon sa MDG upang matugunan ang pandaigdigang krisis pampinansyal.

Sinabi ni Marcos na ang pangangailangan na matugunan ang natitirang hamon upang makamit ang layunin ng MDG na kinabibilangan ng pag-aalis ng gutom at kahirapan, pandaigdigang pagsulong sa edukasyon, pantay na pagtrato sa kasarian at pagbibigay kapangyarihan sa kababaihan, pagbabawas ng pagkamatay sa mga sanggol, pakikidigma sa sakit na HIV at AIDS, malaria at iba pang karamdaman, pangangalaga sa kalikasan, at pandaigdigang pakikipag-ugnayan para sa kaunlaran.

Sinang-ayunan naman ang panukala ni National Economic Development Authority (NEDA) Director Erlinda Campones basta at wala lamang umanong malalabag na kasunduan hinggil sa pangungutang.