Bilang tugon ng ika-15 Kongreso sa pandaigdigang pakikibaka sa karapatang pantao, ipinahayag ngayon ni House Speaker Feliciano Belmonte na nananatiling matatag ang paninindigan ng Kamara de Representantes na pangalagaan at protektahan ang karapatang pantao.
Sinabi ng lidder ng Kamara, ang mga karapatang tinatamasa ngayon sa bansa ay pamana umano ng ating mga bayani na nakibaka at nakipaglaban para sa isang tunay na kalayaan at kasarinlan.
Nakakalungkot lamang daw na wariin na matapos ang 62 taon nang ideklara ang makasaysayang Universal Declaration of Human Rights noong 1948 ay patuloy pa ring nakikibaka ang adhikaing ito upang ganap na maging pandaigdigang layunin ito.
Inihalimbawa ng Speaker ang kasalukuyang karanasan ng may 9 na milyong OFW sa ibayong dagat na nakararanas ng pagmamalabis at diskriminasyon, ang hamon ng pagbabago ng panahon at klima sa mga mahihirap na mamamayan at ang karumaldumal na masaker sa Maguindanao na nagsilbing paalaala sa ating kabiguan na igarantiya ang karapatang pantao ng sambayanan.
Tiniyak ni Belmonte na patuloy na isusulong ng Kamara ang adhikain para sa mga karapatan ng mga mamamayan, sa pamamagitan ng mga panukalang batas na kasalukuyang binabalangkas sa plenaryo.
Ilan sa mga nakalatag na panukala ngayon sa Kamara ang mga sumusunod:
- HB00048, HB00205, HB02635 at HB02982 na naglalayong paunlarin ang pangangalaga ng karapatang pantao sa pamamagitan ng pagpapairal ng mga patakaran hinggil sa masamang epekto ng internal displacement;
- Pagpapatatag sa Commission on Human Rights (HB00055, HB01141);
- Pagtatatag ng human rights resource centers sa buong bansa (HB00471);
- Pagbabawal sa diskriminasyon dahil sa kasarian (HB00515);
- Pagpapatatag sa karapatan para sa malayang pamamahayag, malayang pagtitipon-tipon at malayang pamamahayag ng mga hinanakit laban sa pamahalaan (HB00010, HB01065; HB02636); at
- Pag-aamiyenda sa RA07277, o Magna Carta for Disabled Persons; at RA09745, o Anti-torture Act of 2009.