Friday, December 31, 2010

* Industriya ng konstruksiyon, paiigtingin

Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ang panukalang naglalayong patatagin, imodernisa at paigtingin ang industriya ng kontruksiyon sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng Philippine Construction Industry Development Authority (PHILCIDA).

Sinabi ni Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo at ng kanyang inang si Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo, mga may akda ng HB01473, na makakatulong ang panukalang ito upang mapaunlad ang industriyang ito at makapagbigay ng trabaho at mas malaking kita sa mamamayan at sa bansa.

Ayon kay Arroyo, layunin ng panukalang ito na mapaunlad ang competitiveness ng industriyang ito sa pamamagitan ng pagtataas ng kalidad ng construction work, pagtataas ng kaalaman ng mga trabahador sa pamamagitan ng mga pagsasanay at dagdag kaalaman, pagsusulong ng kaligtasan sa lugar ng pinagtatrabahuhan at ang pagsusulong ng mas malawak na public-private partnership upang mapaunlad ang construction industry.

Idinagdag pa ni Arroyo na malaki umano ang pag-asa ng construction industry na siyang mag-angat sa ekonomiya ng bansa dahil na rin sa katotohanang nakakapagpasok ito ng hanggang 43.0% sa Gross Fixed Capital Formation ng bansa at 4.2% sa Gross Domestic Product (GDP).

Nakagawa rin daw ito ng halos 1.7 milyong trabaho noong 2005 at nakapagbigay ito ng basic physical, industrial, commercial at social infrastructure facilities na kinakailangan sa pag-unlad at pagpapanatili nito, sa iba’t-ibang sektor ng ekonomiya tulad ng pabahay, manufacturing, commerce, transport, serbisyong pang-agrikultura at iba pa.