Monday, December 20, 2010

Dagdag na benepisyo para sa mga hukom, isinusulong sa Kamara

Nanawagan ngayon si Pampanga Rep Carmelo Lazatin sa Kamara na agad aksiyunan ang panukalang naglalayong maitaas at madagdagan ang benepisyo ng may 2,308 na retiradong hukom ng bansa.

Sinabi ni Lazatin na kahit na delikado at napakahirap ng ginagampanan ng mga hukom sa pagpapanatili ng pantay na pagbibigay ng hustisya sa bawat mamamayan ng bansa at ang buong buhay nila ay nabahagi na sa bansa, hindi sila nabibigyan ng sapat at karapat-dapat na benepisyo kapag sila ay retirado na.

Ayon pa sa kanya Lazatin, hindi pa rin umano natatanggap ng mga retiradong hukom ang benepisyong nakalaan sa kanila ayon sa batas na ipinatupad sana noon pang 2007 na nagkakahalaga na ng humigit-kumulang sa 900 milyong piso.

Ang HB01436 na isinumite ni Lazatin sa Kamara ay naglalayong madagdagan ang benepisyo ng mga retiradong hukom ng bansa bilang pagkilala na rin sa kanilang kontribusyon sa sistema ng hustisya at sa pamahalaan.

Dagdag pa ni Lazatin hindi na angkop ang RA09946 sa mabilis na pagbabago ng ekonomiya ng bansa at hindi na sumasapat sa mga ito ang kanilang natatanggap sa kasalukuyan.

Nakasaad sa RA9946 ang pagbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga miyembro ng judiciary na nagsilbi sa pamahalaan ng di bababa sa 15 taon at nag retiro na sa edad na 70 o tumigil na sa serbisyo dahil sa kapansanan.

Mabibigayn ang mga ito ng sweldo at aggregate allowances na natatanggap nila bago sila magretiro o magbitiw sa trabaho at may kaakibat din itong scholarship grant para sa mga anak.

Sa panukala ni Lazatin na kikilalanin bilang Judiciary Members Increased Retirement Benefits Act, masasakupan nito ang lahat ng retiradong miyembro ng hudikatura maging yaong mga napilitang magretiro na umabot ng edad na 70 taong gulang at nakapagsilbi ng kahit 15 taon lamang sa serbisyo.