Wednesday, December 01, 2010

Batas sa anti-bouncing checks, ipinababasura

Upang mabawasan ang sangkatutak na kasong nakabinbin sa mga hukuman, ipinababasura ni Palawan Rep Victorino Dennis M. Socrates ang batas hinggil sa anti-bouncing checks o Batas Pambansa Blg. 22 para garantiyahan at tiyakin na walang nakukulong sa utang.

Ayon kay Socrates, ang paglabag sa BP 22 ay kinasasangkutan ng pagbabayad ng postdated checks bilang kabayaran sa pagkakautang at tugon na rin sa patakaran ng naturang batas, ngunitt taliwas ito sa ginagarantitya ng Saligang Batas sa ilalim ng Bill of Rights na walang sinuman ang maaaring makulong dahil sa utang.

Sa inihain niyang HB03045, ito ang magpapawalang bisa sa lahat ng nakabinbing kaso sa paglabag ng BP 22 ngunit tiniyak naman dito na hindi malalabag ang karapatan ng mga nagpapautang dahil maaari silang magsampa ng kasong estafa sa ilalim ng Revised Penal Code at kasong sibil upang makolekta ang kanilang mga pautang.

Matatandaang ipinatupad ang BP 22 noong 1979 upang parusahan ang sinumang nagbayad ng tseke kahit hindi kaila sa kanya na wala itong pondo sa bangko at ang nakalaang parusa dito ay pagkabilanggo ng 30 araw hanggang isang taon o multang doble ng halaga ng tseke, o pareho depende sa hatol ng hukuman.

Bukod sa mababawasan na ang mga kasong nakabinibin sa korte, mababawasan na rin ang pangongolekta ng utang sa pamamagitan ng mga paglilitis ng kaso sa mga korte dahil sa paglabag sa BP 22.