Monday, November 08, 2010

Tax Credits sa mga Pregnancy Care Centers, isinusulong

Hinihimok ngayon ni ParaƱaque City Rep Edwin Olivarez ang pamahalaan na gawaran ng insentibo ang mga pribadong pregnancy health care center sa buong bansa upang mapangalagaan ang mga nagbubuntis at maisulong ang responsableng pagpapamilya.

Kanyang inihain ang HB00155 na naglalayong gawaran ng tax credits ang mga nagtatayo ng mga pribadong pregnancy care center na mangangalaga at gagabay sa mga nagdadalang-tao, hindi lamang ng kanilang mga pangangailangang pangkalusugan, kundi maging ang pang kaisipan at emosyonal na aspeto ng responsableng pagpapamilya.

Batay sa mga datos, 49 por syento lamang ng mga Pinoy ang gumagamit ng contraception kahit pa 98 hanggang 99 porsyento ng mga mag-asawa ang may kamalayan na hinggil sa ganitong uri ng pagpaplano.

Batay sa panukala, gagawaran ng tax rebate ang organisasyon o ahensya at dapat na isa itong pribado at nonprofit corporation na siyang nangangasiwa sa pregnancy care center na hindi naniningil sa mga kababaihan sa mga serbisyong nasa ilalim ng programa.