Wednesday, November 17, 2010

Pagtatatag ng emergency rice reserve hiniling

Upang maiwasan ang pagkukulang ng suplay ng bigas sa bansa lalo na kapag nagkakaroon ng mga kalamidad, nais ng dalawang mambabatas na magtatag ang pamahalaan ng isang ahensiyang sisigurong mayroong bigas kahit na may mga bagyong dumaan sa bansa.

Naghain sina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao partylist Rep Maximo Rodriguez ng HB01078 na naglalayong magtatag ng isang national rice reserve na siyang magsisilbing paghahanda kapag mayroong mga kalamidad at maiwasan ang pagkukulang sa suplay ng bigas.

Ayon sa knila, ang bigas ang pangunahing pagkain ng bawat Pilipino at ang pangunahing produktong inaasahan ng sector ng agrikultura ng bansa upang at ito ay maging maunlad at matatag, tama lamang na magkaroon ng isang contingency measures ang pamahalaan upang masiguro ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas para sa lahat ng mamamayan.

Nais nila na kagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas upang hindi na kailangan pang mag-angkat nito at upang mapaghandaan ng bansa ang mga pagkakataong may kalamidad na dumarating.

Layunin ng panukala na mapanatiling mayroong sapat na stock ng bigas na sasapat sa loob ng 15 araw para sa pangkalahatang suplay ng buong bansa para sa kasalukuyang taon at ito ay dapat na napaghati-hati sa lahat ng lugar sa bansa lalo na sa mga madalas na naaapektuhan ng kalamidad.

Idinagdag pa ng mga mambabatas na ang taunang pondong kakailanganin dito ay kasama na sa taunang General Appropriations Act na inaaprubahan ng Kongreso.