Nanawagan ngayon sina Buhay Reps Mariano Michael Velarde at William Irwin Tieng sa pamahalaan na aksiyunan na ang panukalang mag-uutos sa lahat ng mga pribadong tanggapan at gobyerno na gumamit ng security watermarked paper sa lahat ng kanilang mga opisyal na dokumento tulad ng resibo, invoices, permits, licenses, clearances at iba pa upang maiwasan ang mga tiwaling transaksyon at mapatatag ang koleksyon sa buwis.
Layunin ng HB03210 na kanilang inihain na matiyak at mabantayan ang wastong pagdodokumento ng mga usaping negosyo at kalakalan sa bansa.
Sinabi ni Velarde na iba’t ibang sistema na ang ginagawa ng pamahalaan sa mahabang panahon, mula sa mga pa-raffle ng mga resibo, hanggang sa paggamit ng mga artista at kilalang personalidad para mag-endorso sa wastong pagbabayad ng buwis, ngunit lahat ng ito ay bigo sa hindi malamang kadahilanan.
Lahat umano ng mga papel na ginagamit na dokumento sa mga transaksyon ay dapat watermarked na at may mga naka-imprentang tatak o selyo ng ahensya tulad ng Rentas Internas at ng Bureau of Customs.
Sa ganitong paraan daw ay hindi madadaya o mapepeke ang mga dokumentong ito dahil magkakaroon ng proseso upang madaling malaman kung tunay ito.
Sinabi naman ni Tieng na ang paggamit ng security watermarked paper sa lahat ng mga resibo at dokumento ay magpapatatag sa koleksyon ng buwis ng pamahalaan at lubos na maiiwasan ang mga katiwalian sa mga transaksyon dahil magiging opisyal na lahat ang kalakalan.