Wednesday, November 24, 2010

Mga negosyanteng mapagsamantala sa panahon ng kalamidad, uusigin

Bilang na ang araw ng mga tiwaling negosyante na nananamantala sa panahon ng kalamidad kapag naisabatas ang HB01229 o ang National Emergency Anti-Profiteering Act of 2010 na inihain nina Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo at Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ni Congressman Arroyo na dapat umanong patawan ng mabigat na kaparusahan ang mga mapagsamantala na nagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at nagdedeklara ng kakulangan ng imbak ng mga produkto gayung malinaw na sapat naman ito tulad ng nangyayari sa kasalukuyan hinggil sa produkto ng langis na lubhang nakakaapekto sa ekonomiya, pampublikong kalusugan, kaligtasan at kabutihan ng mga mamamayan, at nagdudulot ng panganib sa pambansang seguridad.

Ayon sa kanya, ang ating bansa ay umaasa sa langis at dito nakasalalay ang kalagayan ng ating pambansang ekonomiya, ngunit madalas ay sinasamantala ito ng mga negosyante kapag abnormal ang kalakalan, pagbabago ng klima, mga epekto ng digmaan at militarisasyon, at pagkaubos o pagkawala ng mga pinanggagalingan ng enerhiya, na siyang idinadahilan para magkamal sila ng napakalaking tubo.

Sa ilalim ng batas, gagawaran ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa na magdeklara ng state of economic emergency upang maparusahan ang sinumang magsasamantala para mapangalagaan ang sambayanan.