Isinusulong ngayon ni Albay Rep Al Francis Bichara na mababayaran ng P60,000 bawat taon ng pagkakabilanggo ang mga taong nabilanggo subalit napatunayang walang sala ng hukuman.
Sa inihaing HB01138 ni Bichara, sinabi nito na ginagarantiya ng bill of rights sa Konstitusyon ang karapatan ng bawat mamamayan na mabuhay ng matiwasay, may kalayaan, katarungan at hustisya sa ilalim ng mga batas na ipinaiiral sa ating bansa.
Ayon sa mambabatas, may mga pagkakataon umano na ang isang mahirap na akusado ay matagal ng nakakulong sa bilangguan habang sumasailim sa mahabang proseso ng paglilitis ng hukuman, ngunit sa huli ay mapapatunayan na wala itong kasalanan.
Nakakalungkot daw na sa mahabang panahon na ginugol nito sa bilangguan ay nasayang ang mga taon na sana ay naging isa itong produktibo at kapakipakinabang na mamamayan kaya nararapat lamang umano na ibalik sa kaawa-awang taong ito ang katumbas na halaga na ipinagkait sa kanya sa mahabang taon na pagkakakulong.